Date Submitted: September 30, 2025
Written by: soremachi
Original Photo by: Cyrus Cuaresma from Memories of Old Manila facebook group, posted October 9, 2021
Naaalala niyo pa ba yung panahon na limang piso lang ang Lucky Me Pancit Canton? Nung bata pa ako at nung isang pinsan ko, lagi kaming pinagluluto ng lolo ko ng tig-isang Pancit Canton. Hindi kami mayaman. Hindi ako nakakahawak ng pera noong bata pa ako. Naglalakad lang kami papunta at pauwi sa eskwela. Hindi ako nagbabaon ng pagkain. Isa sa mga pangarap ko noong bata pa ako ay bumili ng sampung Pancit Canton tapos kakainin naming lahat magpipinsan. Ganon kami kahirap noon na pati Pancit Canton ay hindi namin mabili. Jeepney driver lang ang lolo ko. Matanda na siya non at hindi na nagtratrabaho, pero laging may pera ang lolo ko para sa dalawang Pancit Canton. Hindi ko naiintindihan yung mga ganung bagay nung bata pa ako. Pero ngayon na may karanasan na ako sa buhay, naiisip ko nalang na sobrang minahal niya kami ng mga apo niya. Namatay na mahirap ang lolo ko, pero maraming nagmamahal sakanya. Hinding hindi kita makakalimutan.


Comments